#52 – Trustworthy?

Lord, bakit Ka po ganyan?
Bakit sobra sobra mo Akong pagtiwalaan?

Eh mukhang hindi ko po pala kaya.
May ibang paraan pa po ba?

Gusto ko po sanang umalis na dito.
Hayyy, Lord ano po bang dapat na gawin ko?

Puro hinaing at reklamo na ang nasa isip ko.
Lord please, tulungan Mo po ako.

~ 010818 / 7:00pm

#51 – New

Panibagong simula ang aking haharapin.
Panibagong daan ang aking tatahakin.
Itong panibagong yugto ng buhay na binigay Mo sa akin,
Ay aking lubos na tatanggapin dahil Ika’y may layunin
kung bakit nilagay ang isang tulad ko kaya ito’y pagyayamanin.

Hindi man maarok ng aking isip ang dahilan ng mga ito
Hindi ko rin naman ito susukuan dahil ako’y tutulungan Mo.
Sa bagong yugto na inilagak Mo sa buhay ko
Alam kong may dahilan Ka, hinahanda Mo na ang paglabas ng bagong ako.

~ 010818 / 3:41pm

P#11 – Sino Sa Kanila? (Sad Version)

Processed with VSCO with m3 preset

Sino ang mas pinagpala?
Siya na may pera pero walang pamilya?
O ikaw na may pamilya pero wala namang pera?

Sino ang mas pinagkaitan?
Siya na walang makain?
O ikaw na hindi gusto ang nakahain?

Sino ang mas malungkot?
Siya na walang higaang matulugan?
O ikaw na hindi makatulog sa iyong higaan?

Sino ang mas tinraydor?
Siya na siniraan ng talikuran?
O ikaw na pinlastik ng harapan?

Sino ang mas nasaktan?
Siya na iniwan ng taong kanyang pinaglaban?
O ikaw na binuhusan ng alcohol ang sugatang katawan?

Sino ang mas umiyak?
Siya na nasunugan ng bahay?
O ikaw na namatayan ng mahal sa buhay?

Sino ang mas mahina?
Siya na nakaratay sa bahay gamutan?
O ikaw na hindi kayang ipaglaban ang inyong pagmamahalan?

Sino ang mas nahirapan?
Siya na mag-isang kumayod para sa pamilya?
O ikaw na nagtago sa iyong asawa dahil may kalaguyo ka?

Sino ba?
Sino nga ba sa kanila?

~ 011818 / 8:24pm

#50 – Instead

Ang dami dami ko pong drama
Mga hinanaing, himutok at marami pa.
Hindi dapat ganito
Ako ay dapat na matuto na.

Sa halip na magreklamo, ako’y magtitiwala Sayo
Sa halip na dumaing, ako’y mas lalapit Sayo
Sa halip na umiyak, ako’y mas tatawag Sayo.
Tama, ganun ang dapat na gawin ko.

~ 010818 / 3:29pm

P#1 – People Come And Go

People really come and go.
Gaya na lang ng pilik mata mo.
Maya’t maya’y may nahuhulog
Bukas nama’y may muling tutubo.

Hindi natin iyon mapipigilan
Tulad ng iyong nararamdaman
Sa taong sobra mong kinagigiliwan.

People really come and go
Gaya ng isang dahon sa puno
Na kahapo’y nilabanan ang hangin at hindi sumuko
Pero ngayon ay bigla na lang naglaho.

Ganyan talaga ang buhay
May biglang dadating, may bigla ding aalis.
Parang tubig sa ilog na dumadaloy ng mabilis.

People come and go. People come and go.
Dahil diyan, eto ang tanong ko.
Lilisanin mo din ba ako?
Sa ere’y bibitawan mo?
At iiwanan mo sa kanto?

Tulad ng magnanakaw na kumuha ng pera sa bangko?
Tulad ng usa na kumakaripas sa pagtakbo?
Tulad ng paglipad sa langit ng isang lobo?
Tulad ka rin ba niya at ituturing din akong multo?

Bakit kailangang may umalis?
Bakit hindi na lang sila manatili?
Bakit kailangang may umalis?
Bakit hindi na lang sila mamalagi?

Para sana wala na lang nasasaktan
Sa mga panahong may lumilisan.
Sana’y ang mga panahong pinagsamahan
Ay hindi na lang kalimutan.

Iyon lang ang aking hiling
Sana’y inyong tuparin.
Iyon lang ang aking hiling
Sana’y iyong dinggin.

~ 082217 / 3:34pm