Sa mga susunod na araw, ako’y mas lalong aasa Sayo.
Iiwan? Pababayaan? Alam kong hindi Mo iyan gagawin sa isang tulad ko.
Sayo lamang ilalagak ang lahat ng bigat na bubuhatin ko.
Hindi ko ito kaya, kaya ito’y ipagkakatiwala ko Sayo.
Ngayon pa lang gusto ko nang umayaw at sumuko.
Gusto ko nang umatras, tumakbo papunta sa lugar na malayo.
Pero aking nakikita na ang pag-ibig Mo ay susundan ako.
Kaya ako’y magpapatuloy sa daang sa akin ay inihanda Mo.
Kahit na minsan hindi ko po maintindihan.
Ang mga plano Mong sa akin ay inilaan.
Naiisip ko tuloy, ako ba’y Iyong pinaparusahan?
Dahil madalas kitang hindi pinapansin at nakakalimutan.
Pero hindi pala. Ang lahat ng ito’y nakaplano na.
Bago pa man ako isilang ng aking pinakamamahal na ina.
Ang lahat ng ito’y may dahilan. Sa lahat ng ito’y may layunin Ka.
Kaya Sayo lang ako aasa at palaging pasasalamatan Ka.
~ 110817 / 8:18am